Monday, January 30, 2006

 

KWENTONG CHA-CHA

Heto na naman ang Pinas …. Pinag-iisipan ang bagong sistema ng gobyerno ---Presidential to Parliamentary. Unicameral from bicameral. Autonomous regions hanggang maging complete federalism. Ang Presidente, mananatili from 2007 to 2010 pero walang sapat na kapangyarihan katulad ng sistema sa ngayon. Isang Prime Minister na manggagaling sa parliament ang magiging Head of the Government at siyang magiging CEO ng bansa.

Pinagbalakan pa ang NoEl – No Elections daw para maisulong na ang pagbabago, at makapagtipid ang Pilipinas. Sa 2007, dapat idaraos ang elections. Kung natuloy ang No-EL as planned, hanggang 2010, tuluy-tuloy ang swerte ng mga politikong nakaupo ngayon, local man o national. Ang tagal din nilang mamamayagpag sa posisyong hawak. Pero, may kontrabida daw sa Senado… ayaw isulat ang kanilang obituaries. Aber, sino ba naman ang may suicidal tendencies sa mga Senador?

Ang alam ko nagtatag ang pamahalaan ng isang Consultative Commission para pag-aralan ang bagay na ito at magbigay ng rekomendasyon sa Pangulo.

Sa mga pagpupulong ng mga local na pamahalaan na napuntahan ko sa buwang ito, mukhang isusulong nga ang Cha-Cha. Constitutional Amendments nga ba o Constitutional Revisions? Kapag ang istraktura ng pamahalaan ay binago ng mga mambabatas, revisions ba yon o amendments? Sa totoo lang, ngayon pa lang ako nag-uumpisang mag-aral ng tungkol sa Parliamentary System base sa mga rekomendasyon ng Consultative Commission ni GMA. Unang bugso ng opinion ---- ituloy ang eleksyon ayon sa itinakda ng batas pero ang pag-uusap tungkol sa bagong sistema ng gobyerno ay kailangang tuluy-tuloy upang ipaalam sa mamamayan ang pros and cons nito. Marami pang complexities na hindi naiintindihan ng isang Juan dela Cruz.

Sa isang misa sa simbahan, narinig kong sinabi ng pari, ang kailangan ng bansa ay ibang klaseng Cha-cha --- character change. Kahit na magbago ang sistema ng gobyerno, kung ang kaisipan ng mga inihahalal natin ay mananatiling sakim, balewala ang lahat. Korek ka diyan, Father.

“NOT FRAGILE. FEEL FREE TO ROUGH UP”. Sana, may pagkakataon, kahit one second --na magawa ko ang ganito sa mga polieticians ng bansa.

Monday, January 23, 2006

 

BUHAY PINAS, BUHAY POOR

Kwentong Bus

“Umurong pa kayo sa likod ….. pwede ba, magbigayan naman tayo … talikuran lang at pag nagkaharap kayo eh, baka magkapalitan pa kayo ng mukha … Ano ba naman yan, ke aga, eh pulos isandaan ang pera nyo? Sige, sa Baclaran na lang kayo masusuklian …” Di ko alam kung maiinis o matatawa sa mga litanyang binitiwan ng kondoktura ng bus na sinakyan ko kaninang umaga. Kung ako lang ang masusunod, hindi ako sasakay ng bus pero anong gagawin ko? Wala akong choice kung gusto kong makapasok nang maaga sa opisina. Mamili kaya --- Cubao FX na madalang dumaan o ang ordinaryong bus ng Pascual or Pasvil na halos every 10 minutes ay dumaraan sa kahabaan ng Quirino Avenue?

Sa humigit-kumulang na dalawampung taong pagtratrabaho sa Maynila, hindi ako nakaipon ng pambili ng sasakyan, kahit padyak man lang. Ang sweldo ay sapat lang sa pang-araw-araw na gastos. Kung nagpapadede ka, lalo na! Baka ang baby mo, sanggol pa lang, maisipan nang maghanap-buhay upang makatawid-gatas. Kung ang momsy mo, Section Chief ngang naturingan eh, member na pala ng financially-disabled sector, kabilang sa poverty threshold ng Pinas, grabe na toh!

Mahirap na talaga ang buhay. Nasasalamin na ito sa mga eksena sa bus. Madalas, ang mga bus ng Pascual o Pasvil ay suki ang mga mamang biktima kuno ng mga welga sa kumpanya na kung iisipin ko’y mukhang dekada na yatang welga. Aakyat, may dalang megaphone na luma at isang kahoy na mukhang alkansiya pero mas malaki sa karaniwang alkansiya ---- hindi lang pampamilya, pang-hanapbuhay pa. Sasabihin niya, isa siya sa manggagawang tinanggal ng mga imperialistang nagmamay-ari ng kumpanya blah… blah… blah … at kailangang ipagpatuloy ang laban sa mapanikil na mga namumuhunan. Iisa-isahin niya ang mga pasahero ---- “konting barya lang po …salamat …”
O kaya naman ay isang babae o lalaking maayos ang pananamit (ang iba nga ay nakabarong pa), may dalang bibliya at habang tumatakbo ang bus, babasahan ka ng lalaki ng mga bersikulo sa aklat, habang ang ale ay mamumudmod ng mga puting envelope sa mga nakaupong pasahero. “Pagpalain nawa kayo ng Diyos …. Salamat…”
Meron ring mga batang sa murang edad ay mulat na sa ekonomiya ng buhay, business-minded, ‘ika nga. Aakyat sa bus, magpapaawa sa mga pasahero ----- kesyo, mabuti na lang ang manghingi kaysa magnakaw … o di ba mas sumasaling ang ganitong mga salita sa mga pusong mamon? Nakasunod sa uso ---- dangling earrings na may matching bracelets pa, with reddish lips and eye make-up ….. say mo, Mama Monchang? Maawa ka kaya? Sa halos araw-araw na nakakaengkuwentro ko sila, natuto na rin akong makipagplastikan as in ipipikit ko ang mga mata ko, kunyari’y tulog. Ayaw ko lang maramdaman ang di maipaliwanag na awa at inis, kung kanino, di ako sigurado. Minsan, napipilitan akong mag-usisa --- “Gusto mo, dalhin kita sa DSWD?” Bah, alis siya agad sa tapat ko. Paminsan-minsan, naririnig ko ang konsensiya ko ---- “baka anghel yan, nangpapanggap na taong-lupa at sinusubukan ka. Wag kang tumingin sa panlabas na anyo…”

Marami pa akong gustong isulat, mga kuwento ng buhay, sana, magawa ko ito sa mga susunod na araw. Hanapbuhay muna.

This page is powered by Blogger. Isn't yours?